24 June 2008

Koneksiyong Pampanitikan ni Rizal sa Aleman

ni Virgilio S. Almario
(Panayam para sa UP Institute of Creative Writing at binása sa Pulungang Recto, Faculty Center, UP Diliman, 19 Hunyo 2008)

MAY DALAWANG layunin ang panayam kong ito. Una, pasinagan o muling pasinagan ang utang-na-loob ni Rizal sa panitikang Aleman na isang paraan din ng pagpapatunay sa katangian ni Rizal bilang isang palabasá at kung paano niya pinakikinabangan ang kaniyang mga binása. Ikalawa, ungkatin ang papel ng impluwensiyang pampanitikan sa isang manunulat at kung paanong nakapagpapayaman ito sa pagsulat.

Bakit ko pinili ang koneksiyong pampanitikan ni Rizal sa Aleman?

Simple ang sagot: sapagkat kailangan. Sa aking pagbabasá ng mga pag-aaral tungkol sa mga impluwensiyang pampanitikan ni Rizal, wala akong nakaengkuwentrong pagtukoy sa posibilidad man lamang ng pagsamyo ni Rizal sa bulaklak ng panitikang Aleman. Ito’y sa kabilâ ng malinaw na pagpapakíta ni Rizal sa kabuluhan ng panitikang Aleman sa pamamagitan ng pagsasalin sa dulang Wilhelm Tell ni Friedrich von Schiller. Binanggit ni Petronilo Bn. Daroy ang ugat na anarkista ng karakter at pangkalahatang plano ni Simoun ngunit hindi ito naging sanhi ng pagsasaliksik hinggil sa binhian ng kaisipan at praktikang anarkista sa Alemanya at Rusya. Mabuti’t nitóng 2006 ay sinaliksik ni Benedict Anderson ang anarkismo’t epekto nitó sa mga patriyotang Filipino sa panahon ni Rizal.

Sa kabilâng dako, lubhang nabubusisi ang sigurado namang malaking utang-na-loob ni Rizal sa panitikang Espanyol at panitikang Pranses. Kung minsan nga’y nagiging mapagmalabis ang naturang pagbusisi. Halimbawa, ang pagtatanghal sa katutubong kulay ay mabilisang naikokonekta sa costumbrismo sa Espanya, lalo na sa paggamit nitó ni Benito Perez Galdos sa kaniyang mga nobela. Ngunit isa rin itong malakas na tunguhin sa Alemanya noong pang ika-18 dantaon, lalo na dahil sa teoryang nasyonalista ni Johann Gottfried Herder (1744-1803) hinggil sa kabuluhan ng pagtitipon sa panitikang-bayan bilang salalayan ng pagbuo sa pag-ibig sa bayan. At isa sa mga babasahín ni Rizal si Herder. Isa pa, sapagkat naipahayag ni Graciano Lopez Jaena na malakas ang tama ng Ang Hudyong Lagalag (Le Juif Errant) ay palagian itong nakadambana sa listahan ng mga impluwensiya kay Rizal. Ngunit may suspetsa ako na ni hindi nababása kahit ng mga panatikong Rizalista ang napakahabàng nobelang ito ni Eugene Sue. Kung nabása man lamang nilá kahit ang simula at wakas nitó ay titigil silá sa pagsipi kay Lopez-Jaena at higit na pagmamasdan ang higit na pagkakatulad ng Fili sa Ang Konde ng Monte Cristo (Le Comte de Monte-Cristo) ni Alexandre Dumas at ng Noli sa Florante at Laura.

Isang manunulat na iskolar si Rizal. Sinasabing may 2,000 aklat sa kaniyang aklatan. Ito lamang ay parang napakalawak nang bukirin upang bungkalan ng mga posibleng impluwensiya sa kaniyang kaisipan at pamamaraan bilang manunulat. Ang bagay na ito ay hindi niya ipinagkakaila. Kayâ sa Noli at Fili, halimbawa, ay nakapahiyas ang maraming sipi at banggit sa pangalan ng mga manunulat na kaniyang nabása. Nabanggit niya ang mga Espanyol na sina Gustavo Becquer, Lope de Vega, Espronceda, at Calderon de la Barca. Binanggit niya ang mga Pranses na sina Dumas, Hugo, at Voltaire. Malimit niyang gamitin ang mga pahayag na Latin, lalo na mula kay Cicero. Ginamit niya ang isang pangungusap sa Inferno ni Dante, at sinipi din niya sina Hans Christian Andersen (na isinalin niya ang limang kuwentong pambatà) at Shakespeare. Ngunit higit na mabigat na hamon sa mga Rizalista ang pagtuklas sa mga kaisipan ng mga awtor at pilosopo na hindi niya binanggit ang pangalan. Nangangailangan ito ng higit na masusing pagsusuri sa mga akdang naging bahagi ng edukasyon ni Rizal mulang pagkabatá bukod sa mga akdang popular sa Europa noong panahon niya.

Sa ngayon, dalawang sipi ang nais kong pagtuunan ng pansin upang maging batayan ng aking pag-uusisa sa koneksiyong pampanitikan ni Rizal sa Aleman. Isasanib ko sa pagtukoy sa mga sipi ang paraan ng paggamit ni Rizal sa mga ito, ang naging kabuluhan nitó sa kaniyang nobela, at ang pansin kung bakit hindi ito napag-uusapan sa mga klase para sa P.I. 100.


Epigrap mula kay Schiller

Una, ang epigrap sa Noli, na binubuo ng tatlong saknong mula sa “Shakespeare Shatten” ni Friedrich von Schiller (1759-1805). Nása ilalim ito ng title page ng unang edisyon ng Noli na inimprenta sa Berlin na muling inilathala ng Insituto Nacional de Historia (National Historical Commission ngayon) noong 1978. Nása kaliwang bahagi ang sipi sa orihinal na Aleman, nása kanan ang salin ni Rizal sa Espanyol, at sa ilalim ng mga ito ay nakatalâng “Schiller. La sombra de Shakespeare” (Schiller. Ang Anino ni Shakespeare).

Ang totoo, ang sipi ay mula sa Die Xenien, isang koleksiyon ng mga epigrama na nagsasagutang sinulat nina Schiller at Goethe. Sinasabing mula ang pamagat sa Griyegong xenios o hospitable at sa xenion—ang regalong dalá ng panauhin, bagaman ang kabaligtaran ang layunin nina Schiller at Goethe. Sa halip na magandang regalo, ang xenien ng dalawang makata ay maaanghang na tuligsa sa kanilang mga kritiko at mga puna sa mga aspektong pampolitika at pangkultura sa Alemanya sa panahon nilá. Maraming tuligsa laban sa relihiyon at sa mga relihiyoso sa koleksiyon. Ngayon, ang “Shakespeare Shatten” ay natatangi dahil bukod sa may sarili itong pamagat ay mahabà ito’t tila maikling dula. Ang sipi ay bahagi ng diyalogo nina “Siya” at “Ako” ay may kaugnayan sa kapuna-punang pagbabago ng teatro sa Alemanya.

Bahagi sina Schiller at Goethe sa kilusang pangkultura noon sa Alemanya na may mithiing itaas ang antas ng panitikan sa pamamagitan ng paglingon at paggamit sa estetikang klasiko ng Gresya at Roma. Sa gayon, ikinalulungkot ng dalawang karakter sa “Shakespeare Shatten” ang paglalaho ng inuuliran niláng teatrong Griyego at ang pagpasok ng mga tauhan mula sa kanilang kontemporaneong lipunan. Narito ang siniping orihinal ni Schiller:

SIPI MULA SA ORIHINAL NI FREIDRICH von SCHILLER
NG SHAKESPEARE SCHATTEN (1796)

Er
Was? Es dürfte kein Casar auf euren Buhnen sich zeigen,
Kein Anton, kein Orest, keine Andromacha mehr?

Ich
Nichts! Man siehet bei uns nur Pfarrer, Kommerzzienrate,
Fahndriche, Sekretärs oder Husarenmajors.

Er
Aber ich bitte dich, Freund, was kann denn dieser Misere
Großes begegnen, was kann Großes deen durch sie geschehn?


SALIN BATAY SA ORIHINAL: ANINO NI SHAKESPEARE
(katulong si Rayvi Sunico)

Siya
Ano! Di na maaaring makita sa tanghalan ang isang Cesar,
Isang Anton, isang Orestes, at kahit isang Andromaca?

Ako
Wala lahat! Makikita lang sa atin ang Pari, Komersiyante,
Abanderado, mga Sekretaryo, at mga Opisyal ng Kabayuhan.

Siya
Ngunit tanong ko, Kaibigan, sinong Dakila ang lilitaw
sa ganitong mga Hamak?
Anong Kadakilaan ang mangyayari sa pamamagitan nila?


Ngayon, paano ginamit ni Rizal ang siipi mula kay Schiller? O paano naglingkod ang sipi para sa layunin ng kaniyang nobela? Narito ang salin ni Rizal na ginamit niyang epigrap sa Noli:

SALIN NI RIZAL: LA SOMBRA DE SHAKESPEARE

“Qué? No podria un Cesar presentarse
En vuestras tablas? No más un Aquiles,
Un Orestes ó Andromaca mostrarse?”

Quia! Si no vemos más que concejiles,
Curas, alféreces y secretaries,
De husares comandantes y alguaciles.

“Mas, di qué pueden estos perdularios
Hacer de grande? Pueden tales ratas
Dar lugar á hechos extraordinarios.”


SALIN NG SALIN NI RIZAL (katulong si Annie Yglopas)

“Ano? Di na maaaring itanghal ang isang Cesar
Sa inyong entablado? Di maaaring lumitaw
Kahit ang isang Aquiles, isang Orestes, ni isang Andromaca?”

Hindi! Wala kaming makita kundi mga konsehal,
Mga kura, mga alferez, mga sekretaryo,
Mga komandante ng husar at mga alguacil.

“Ngunit, sabihin mo sa akin, anong malaki ang lilitaw
Mula sa mga pabayâng iyan? Maaari bang gumawa
Ng dakila ang ganiyang mga hamak?”

Pinaglaruan ni Rizal ang kaniyang sipi. Hinugot niya ito mula sa kontekstong Aleman ng teatro sa panahon ni Schiller at inilipat sa kaniyang sariling panahon at lipunang kolonyal sa Filipinas. Ipinahihiwatig ito mismo sa ginawâ niyang pagsasalin mula Aleman tungong Espanyol. Pinakialaman ni Rizal ang teksto ni Schiller upang lumitaw na isa ngang awtentikong puna sa lipunang Filipino sa ilalim ng mga Espanyol.

Pinalitan niya ang listahan ng mga tauhang pangkasalukuyan sa teatrong Aleman ayon kay “Ako” at ipinalit ang mga pangunahing tauhan sa lipunang kolonyal ng Filipinas, ang mga pari, komersiyante at opisyal sa orihinal ni Schiller ay naging mga kura, alferez, konsehal, at alguwasil. Sa ganitong pangyayari, ang nobelang Noli ang magsisilbing patunay sa kunwa’y mga siniping pahayag mula kay Schiller. Patutunayan nga ng Noli na hindi lamang mga hamak na tauhan ang mga kura at alferez at walang kakayahang magdulot ng anumang maituturing na malaki’t dakila sa bayan kung hindi mga karima-rimarim na hari-harian at sumpa ng langit sa sambayanang Filipino.

Ngunit ang maparikala o ironikong paggamit na ito ng epigrap ay kahina-hinayang na hindi napahahalagahan ng karaniwang estudyante ng P.I. 100. Bakit? Dahil sa simpleng pangyayari na wala ito sa alinmang ipinagbibili ngayong “salin” sa Filipino ng nobela ni Rizal at ginagamit ng mga paaralan. Na nakapagtataka. Tulad ng nabanggit ko, nakapahiyas pa rin ang sipi mula kay Schiller sa opisyal na edisyong Espanyol noong 1978. Hindi rin ito kinalimutang isalin sa mga unang salin sa Tagalog, gaya ng kina Leonardo Dianzon, Iñigo Ed. Erelado, at Dionisio San Agustin (1957) at sa salin sa Ingles gaya ng kay Charles E. Derbyshire (1912).

Ngunit narito ang isang personal kong haka. Noong 1958 at bílang paghahanda sa ika-100 kapanganakan ni Rizal ay nagbukás ng pambansang patimpalak para sa pagsasalin ng mga nobela ng pambansang bayani. Natapos ang taning panahon at napalugitan hanggang 1960 ngunit walang napilìng nagwagi sa mga lumahok ang lupon ng inampalan nina Mahistrado Felipe Natividad, Dr. Cecilio Lopez, at Jose Villa Panganiban. Dahil dito, napilitang pumilì mula sa mga limbag nang salin ang komisyon sa pagdiriwang ng sentenaryo ni Rizal. Sa naging sarvey, lumitaw na gusto nang nakararami ang salin ni Patricio Mariano at kayâ ito ang inilathala ng komisyon noong 1961. Matagal na panahong ito ang opisyal na ginagamit na salin sa mga paaralan.

Ang malungkot, natanggal ang sipi mula kay Schiller sa limbag ng salin ni Mariano.

Kaugnay nitó, nalathala naman noong Abril 1947 ang salin ng Noli nina Maria Odulio de Guzman, Domingo D. de Guzman, at Francisco Laksamana. Noong 1949, pinagtibay ng Board on Textbooks ng Bureau of Private Schools ang salin bílang supplementary reader para sa mga pribadong paaralan. Dahil dito, ang saling Guzman-Laksamana-Guzman ang lilitaw na pinakapopular na sanggunian sa mga paaralan. Ang nabili kong kopya noong 1996 ay ika-76 printing na nitó. At napakalungkot din, wala ang sipi mula kay Schiller sa saling Guzman-Laksamana-Guzman.

Ano ang haka ko? Sapagkat 99% ng mga “salin” sa Filipino ay gawâ ng mga editor na ni hindi marunong bumása ng Espanyol kayâ’t imposibleng ibinatay kahit sa opisyal na edisyon man lamang ng orihinal ni Rizal noong 1978, malaki ang paniwala ko na pawang halaw o hango lamang ang mga “salin” mula sa edisyong Mariano o Guzman-Laksamana-Guzman. Sa gayon, natural lamang na ni hindi alam ng mga pekeng tagasalin na may sipi mula kay Schiller ang orihinal ni Rizal.


Alusyon kay Heine

Ikalawa, ang banggit hinggil sa isang katha ni Heinrich Heine (1797-1856). Naganap ito sa unang kabanata ng Noli, sa piging na handog ni Kapitan Tiago bilang pasalubong kay Crisostomo Ibarra. Ginamit ni Rizal na pagkakataon ang pagtitipon upang ipakilála ang kaniyang mga pangunahing tauhan sa nobela. Isa sa mga prominenteng panauhin si Padre Damaso at inilarawan siyang madaldal, malakas ang tinig, mahilig kumompás-kompás, matipuno ang pangangatawan, at dahil sa kayabangan ay unang ikinompara bílang isang “nakabalatkayo siyang maharlikang Romano.” Ngunit upang isunod pang paghahambing ang ganito, “wala sa loob na maaalala mo ang isa sa tatlong monghe na binanggit ni Heine sa kaniyang Mga Diyoses sa Destiyero, na kapag equinox ng Setyembre, doon sa Tyrol ay pinalilipas ang hatinggabi sa bangka sa lawa at tuwina’y nag-iiwan sa kamay ng kawawang bangkero ng isang salaping pilak na sinlamig ng yelo, at ikinasisindak nitó.” (Akin ang salin.)

Ang binanggit na akda ni Heine ay ang “Gotter im Exil” (1854). Dioses en el destierro ang salin ni Rizal sa pamagat ni Heine. Hindi ito isang aklat bagaman isang mahabà sa karaniwang akdang prosa. Isang pinagdugtong-dugtong itong kuwentong naipon diumano ni Heine sa kaniyang mga paglalakbay at narinig sa mga mangingisda’t marino. Tulad ng karaniwang katha-katha ay hitik ang mga ito sa kagila-gilalas at di-kapani-paniwala ngunit nakatuwaang tipunin ng may-akda dahil may iisang hakang tinutukoy. Ano ba ang nangyari sa mga bathalang pagano pagkatapos manaig ang Simbahang Kristiyano? Alinsunod sa ating Kristiyano’t modernong paniwala, likha rin lamang ng imahinasyon ng sinaunang tao ang mga bathala sa mitolohiyang Griyego-Romano. Sa gayon, natural na maglahong parang bula ang mga ito kasabay ng pagguho ng kanilang mga templo. Ngunit, ayon sa mga salaysay na naipon ni Heine, mga totoong nilikha ang mga diyoses. Hindi rin silá naglaho sa mundo o pinarusahan sa impiyerno. Sa halip, at ito ang tesis ng “Gotter im Exil,” buháy na buháy silá ngunit nakabalatkayo o nakatirá nang tiwalag sa malayo’t liblib na pook kayâ hindi natin nakikilála o nakikíta. Bílang pruweba, ang akda ni Heine ay parang X-file ngayon, mga di-sinasadyang engkuwentro ng ordinaryong tao sa mga nakatago o nakabalatkayong diyoses.

Una siyempre ang nakasisindak na engkuwentro ng mga binata kay Venus, na isang kaakit-akit pa ring reklusa sa isang kastilyo at bumibiktima ng mga muslak na lalaki. May mga istorya rin si Mercury bílang tagapag-ayos ng biyahe ng mga kaluluwa sa isang nakatatakot na isla. Gayundin si Jupiter, na natagpuan ng mga istranded na marino sa North Pole, nakatirá sa isang kubo kasáma ng isang huklubang agila at isang matandang kambing, at nangangalakal sa balát ng kuneho.

Ngayon, ang sinipi ni Rizal ay ang kuwento hinggil sa tatlong kahina-hinalang monghe na lumilitaw tuwing equinox ng Setyembre sa lawa ng Tyrol at umaarkila ng isang bangka. Tuwing aabutan din ang bangkero ng salaping bayad ay kung bakit nakararamdam siya ng matinding hindik. Dahil sunod-sunod na taon itong nangyayari, naisip ng bangkerong may-ari ng inaarkilang bangka na alamin kung saan nagpupunta ang tatlo. Lihim siyang nagtago sa ilalim ng mga abubot sa bangka at naging saksi sa pagpunta ng tatlo sa isang lihim na pulo. Pagdaong doon, sinalubong ang tatlo ng magaganda’t makikisig na kabataan, halos walang saplot, at nagkaroon ng malaki’t magdamag na pagsasayá, awitan, inuman, at sayawan, sa pangunguna ng tatlo. Nakilála niya ang lider na si Bacchus at isang bakanal o orgy ang nasaksihan niyang pagdiriwang.
Lubhang nabalísa ang ang bangkero. Nang hindi na makatiis, nagpunta siya sa kumbentong Pransiskano na bantog sa kanilang bayan sa pagbibigay ng mabuting payo. Isiniwalat niya nang halos nakayuko’t nagsisisi sa priyor ang nasaksihang ritwal na pagano. Pagkatapos magsalaysay, napatingin siyá sa kausap at laking sindak ng bangkero nang mapagsino ito. Ang kausap niyang monghe ay si Bacchus! Gayunman, hindi siyá nagpahalata at pinakinggan ang payo ng priyor. Sa dulo ng payo, sinabi nitó na alam niyang lubhang natitigatig ang bangkero at hindi kumakain. Sa gayon, inalok nitó ang bangkero na pumunta sa kusina upang madulutan siya doon ng masarap na tanghalian. Sumunod ang bangkero. Ngunit lalo siyang nasindak nang makilála niyang ang kusinero at tanod sa kusina ay ang dalawang kasáma ni Bacchus sa isla. Mabilis na tumalilis ang bangkero.

Narito ang talata ni Rizal na naglalarawan kay Padre Damaso:

Por el contrario, el otro que era un franciscano hablaba mucho y gesticulaba más. Sin embargo de que sus cabellos empesaban a encanecer, parecia conservarse bien su robusta naturaleza. Sus correctas facciones, su mirada poco tranquilizadora, sus anchas quijadas y herculeas formas le daban el aspecto de un patricio romano disfrasado, y, sin quererlo, os acordareis de uno de aquellos tres monjes de que habla Heine en sus Dioses en el destierro, que por el Equinoccio de Setiembre, alla en Tyrol pasaban a media noche en barca un lago, y cada vez depositaban en la mano del pobre barquero una moneda de plata, como el hielo fria, que le dejaba lleno de espanto.
Na maaaring isalin sa ganito:

Kaiba sa kaniya, madaldal at mahilig kumompás ang ikalawa na isang Pransiskano. Kahit nag-uuban na ang kaniyang buhok, waring matibay pa ang kaniyang pangangatawan. Dahil sa katamtaman niyang anyo, nakahihindik na tingin, malalapad na panga, at matipunong pangangatawan, animo isang nakabalatkayo siyang maharlikang Romano, at wala sa loob na maaalala mo ang isa sa tatlong monghe na binanggit ni Heine sa kaniyang Mga Diyoses sa Destiyero, na kapag equinox ng Setyembre, doon sa Tyrol ay pinalilipas ang hatinggabi sa isang bangka sa lawa, at tuwina’y nag-iiwan sa kamay ng kawawang bangkero ng isang salaping pilak, na sinlamig ng yelo, at ikinasisindak nitó.

Sa pagkakataong ito, ang pagsipi ni Rizal sa akda ni Heine ay bahagi ng kaniyang karakterisasyon. Angkop na angkop ang katauhan ni Bacchus na nakabalatkayong Pransiskano sa katauhan ni Padre Damaso. Ngunit isinagawâ ito ni Rizal sa paraang tila isang palaisipan. Binanggit lamang niya ang tatlong monghe na tumatawid ng lawa sa Tyrol tuwing Setyembre. Liliwanag lamang sa atin ang paghahambing kay Padre Damaso sa nakaabitong si Bacchus kapag nabása natin ang akda ni Heine. Sa kabilâng dako, ang banggit sa akda ni Heine ay parang pagbibigay ng clue hinggil sa totoong katauhan ni Padre Damaso. Bahagi ng tinatawag na foreshadowing sa pagsasalaysay. Sa nobela, lilitaw din na may malaking kasalanang karnal ang Pransiskano. Ngunit kung nabása natin ang akda ni Heine, sasabihin nating natural lamang itong gawain ng isang bathala ng kamunduhan ngunit nakabalatkayo na isang Pransiskano.

Hindi lamang isang mahusay na iskolar ng literaturang Aleman si Rizal. Isa rin siyang dalubhasa sa paggamit ng siste’t parikala. Napakalakas ng kaniyang sense of humor. Ang masaklap, ang masayáng katangiang ito ni Rizal ang hindi gaanong napapansin ng mga bumabása sa kaniyang mga nobela. At muli, ang unang dahilan, nawawala ang sinipi kong pagbanggit kay Heine sa mga ginagamit na hango’t halaw sa paaralan. Tingnan halimbawa ang naging “salin” ng paglalarawan kay Padre Damaso sa Guzman-Laksamana-Guzman:

Ang pransiskano, sa isang dako, ay masalitâ at madalás magkukumpás ng kamay. Bagamá’t ang kanyáng buhók ay pumuputî na, ang katawán nama’y malusóg, pagka’t waring itó’y dî niyá pinabábayaán. Ang kanyáng maayos na pagmumukhâ, paninging nakababaklá, malamáng mga pisngí, gayundin ang matipunong tindíg, ay nagbíbigáy sa kanyá ng anyong katulad ng sa isáng maharlikáng romano na nagbabalatkayóng praile.


Pagbungkal sa Impluwensiyang Pampanitikan

Mahirap na trabaho ang pagsaliksik sa mga akdang nabanggit o sinipi sa mga nobela ni Rizal. Sabi ko nga, isang manunulat na iskolar si Rizal kayâ kailangan ding maging iskolar ang kaniyang kritikong mambabasá. Ngunit madalî iyon kapag pinag-usapan ang ang pagtuklas sa pinagmulan ng kaniyang mga kaisipan. Sa mga sipi at alusyon ay nakalimbag kung sino ang awtor o ano ang pamagat ng librong ginamit niya. Sa kaisipan, malimit na walang palatandaan kung saan niya pinulot ang isang idea o kuro-kurong sinabi ng kaniyang mga tauhan.

Halimbawa, saan nanggaling ang mahabàng talumpati ni Simoun hinggil sa halaga ng pag-aaral sa sariling wika laban sa pagpipilit ni Basilio at mga kasámang estudyante na magkaroon ng paaralan para sa pagtuturo ng wikang Espanyol? Saan niya hinalaw ang paniwala ni Simoun na mistulang kaluluwa ng lahi ang katutubong wika kayâ mistulang alipin ng ibang bansa ang isang lahing gumagamit ng banyagang wika?

Sapagkat koneksiyong Aleman ang aking proyekto, nais kong ipanukala na nasimsim ni Rizal ang naturang kaisipan mula sa mga sinulat ni Herder. Noon pang mga taon ng 1770 ay sumilakbo sa Alemanya ang tinatawag na Sturm und Drang, isang maikli ngunit katangi-tangi’t napakahalagang kilusang pampanitikan at pampilosopiya na namulaklak sa malikhaing panahon ng Romantisismong Aleman. Isang himagsik ito laban sa lubhang pag-iral ng rasyonalismo’t unibersalismo ng panahong Kaliwanagan (Enlightenment) at laban sa malubhang pagkasungyaw ng mga manunulat na Aleman sa panitikang Pranses. Ipinanukala ng Sturm und Drang ang suhetibistang pagtingin sa bagay-bagay at ang pagpapairal sa katutubong henyo. Si Herder ang isang pangunahing ideolog at tagapagsulong ng Sturm und Drang. Sa maraming sanaysay, si Herder ang nagsulong sa paglinang sa katutubong wikang Aleman, sa pagtitipon at muling pagpopularisa sa panitikang-bayan, at sa angkop na pagkilála at pagpapahalaga sa henyong Aleman. Narito halimbawa ang isang sipi mula sa kaniyang Fragmente:

Ang mga idyoma ng wika ay mga kariktang nagmula sa ama, nakakatulad ng mga sagradong kakahuyan ng olibo na nakapalibot sa akademya ng Atenas at nakahandog sa kanilang patronang diyosang si Minerva. Ang bunga ng kakahuyan ay hindi lumalabas ng Ateneas at naglilingkod lamang bilang gantimpala sa mga nagwagi sa pistang Pan-Atenaiko; ang totoo, nang sakupin ng mga Lacedaemonyo ang lahat, hindi pinahintulutan ng diyosa ang mga banyagang barbaro na pasukin ang sagradong kakahuyan. Sa katulad na paraan, ang mga pambansang partikularidad ng wika ay mga palatandaan ng kariktan na hindi maaaring angkinin ng mga kapitbahay sa pamamagitan ng salin, at tunay na sagrado sa patronang diyosa ng wika. Mga kariktan itong nakasanib sa henyo ng wika at kayâ masisira kapag inihiwalay…Bakit mahal na mahal ng mga British ang uri ng katatawanan sa kanilang pagsulat? Sapagkat ang katatawanan doon ay hindi maisasalin at kahawig ng kanilang sagradong idyoma…Bakit ipinagtatanggol ng mga Ingles ang kanilang Shakespeare kahit kapag naliligaw ito sa gubat ng Italyanong concetti at paglalaro sa salita? (Sapagkat) isinusugpong niya ang mga concetti sa katutubong paglalaro sa salita
at nagdudulot ng bungang hinding-hindi maaaring nakawin at ilipat sa ibang klima.

Hindi ba’t ito rin kung sakali ang isesermon ni Simoun kay Basilio kung ipinilit pa ni Basilio na mahalaga ang Espanyol para sa higit na pamumulaklak ng kanilang karunungan? Pansinin pa ang paggamit din ni Herder kay Shakespeare bálang huwaran, kung paanong ginamit niya ang paghiram ng siste mula sa mga Italyano upang payamanin ang sariling wikang Ingles at ang paraan ng pagpapatawang Ingles. Si Herder ang nagpakilála kay Goethe at mga kapanahong manunulat sa henyo ni Shakespeare upang mailayô ang panitikang Aleman sa impluwensiyang Pranses at upang maging modelo sa paglinang ng awtentikong wika’t panitikang Aleman. Sa ganitong paraan din dapat pahalagahan ang paggamit ni Schiller sa “Shakespeare Shatten” sa xenien na sinipi ni Rizal.

Hindi ako iskolar ng Aleman. Ang sipi ko kay Herder ay halaw mula sa Ingles na koleksiyong Selected Early Works 1764-1767 ni Herder na salin nina Ernest A. Menze at Michael Palma at limbag ng The Pennsylvania State University Press (1992). Ang salin ko ng orihinal ni Schiller ay hindi mabubuo kung hindi sa tulong ni Rayvi Sunico. Ngunit nais kong ipanukala ang dagdag na pagsasanay ng ating mga iskolar sa wika, panitikan, at kasaysayang Aleman. Hindi natin ganap na mabubungkal ang reperensiya ni Rizal bílang nobelista at palaisip kung hindi natin lilingapin ang kaniyang kaalaman sa wika, panitikan, at kasaysayang Aleman.

Hindi naman dapat isipin na nahilig lamang sa Aleman si Rizal dahil sa matalik niyang pakikipagkaibigan kay Ferdinand Blumentritt. Kung binása lamang nating mabuti ang Doña Perfecta ni Perez Galdos at sinasabing may malakas na impluwensiya sa pagsulat ng Noli at Fili ay mahihiwatigan natin mismo doon ang bighani ng Alemanya kahit sa mga kabataang Espanyol. Ayon sa nobela ni Perez Galdos, nagiging puntahan na noon ng mga kabataang nais magkaroon ng ibang uri at radikal na edukasyon ang Alemanya. Hindi ba’t kahit ang planong paaralan ni Ibarra sa San Diego ay nakapadron sa edukasyong Aleman? Bago pa o magmula sa panahon nina Herder ay sadyang namulaklak ang kulturang Aleman at kayâ isang sentro na ito ng gawaing intelektuwal pagsapit ng ika-19 siglo. Ipinagmamalaki na nitó ang mga Hegel, Nietzche, at maging Marx bago namalagi doon si Rizal upang tapusin ang kaniyang nobela.

At nais ko ring sabihin na hindi sumusulong ang ating pagpapahalaga kay Rizal sapagkat hindi sumusulong ang iskolarsyip tungkol kay Rizal. Inuulit-ulit lamang sa mga libro, artikulo, at talumpati tuwing Araw ni Rizal ang mga isyung tinalakay nina Daroy, Ricardo Pascual, Palma, Recto, De la Costa, at ibang Rizalista noong dekada 60. At para sa akin, sintomas din ito ng pagkabalaho ng buong adyenda sa saliksik at intelektuwalidad sa mga lumang tunguhin at paradigma. Marami pang dapat gawin ang mga Rizalista. Tulad din ng pangyayaring marami ding dapat gawin ang mga iskolar natin at guro sa akademya upang iligtas ang pagtuturo mula sa kumunoy ng nakamihasnang kaisipan.

Maaari tayong magsimula sa pamamagitan ng pagmuni sa isang popular na pahayag ni Herder: “Hulog ng langit ang kaisipan, biyaya ng lupa ang salita.” Napakaraming ibig sabihin. Bihira ang gustong mag-aral ngayon kay Herder dahil hindi malinaw magsulat. Mahiwaga ang “Hulog ng langit ang kaisipan, biyaya ng lupa ang salita.” Ngunit isang natitiyak kong ibig sabihin nitó ay hindi natin kailanman makikíta ang biyaya mula sa ating sariling lupa kung lagi táyong nakatingala.

Ferndale Homes
17 Hunyo 2008